Inspired Poetry

Manggagaway Central: Your Online Guide to the Filipino-Pagan Community.

Tuesday, May 29, 2007

Magdalena

Bilang papuri sa Mahal na Lakambini sa kanyang mga biyaya sa Alapan, bayan ng Imus-Kabite. Orihinal na Komposisyon at Larawan ni Aldrin F.T.

magdalena2005_2

Mayo a bente otso nanamán.
Simulâ na ng pagbuhos ng ulán.
Dalá ng lakambining nangántimúgan.
Magdalena ang kanyáng pangalan.

*Aba at Hunyo na
Nagbalik na ang Magdalena*

Maryá Magdalenang dalá ng dayuhan
Salamín ng bathalumang nakalimután.
Ngayó'y saamin nang nanahan
Naibsán ang pagtangis sa nakaraán.

*Sakáy ng alon saami'y nakaabot
Kamí'y isukob sa'yóng salakót.*

Kulóg, kidlát ang kanyáng dalá
Ulán para sa nangansaka.
Pagkaing tubo mulà sa lupâ
Siáng biyayâ ng Magdalena.

*Halina at kamí'y basaín.
Dingín itóng aming dalangin.

Papuri't galák sa lakambining Maryá
Sayáw mo saamin ay ligaya
Ulán mong búhay sa amin at paritó
At sa súsonglúpang inalayan mo.

*Aba, aba! Poón naming Maryá.
Amén; Siá nawa, ika nilá.*

---o0o---

Buod: Ang Maria Magdalena ay ang patrona ng Kawit at hindi ng Imus. Ngunit taon-taon ay "inaanyayahan" siya ng mga taga-Alapan (Imus, Kabite) upang i-karakol (o isayaw) siya sa kanilang bayan at kabukiran. Ayon sa mga matatanda ang Magdalena raw ang tagapaghatid ng tag-ulan at sa kanyang "pangangarakol" nakasalalay ang patuloy na pagbuhos ng ulan at masagang ani. Kaya nama't hindi mailarawan ang galak ng mga taga-Alapan tuwing isinasayaw nila ang Poon ng hindi inaalintana ang milya-milyang layo mula Alapan pabalik ng Kawit sa ikatlo at huling araw ng pista (dalawang beses siya isinasayaw, ika-27 at ika-29). Hindi rin maikakailang umuulan ng malakas taon-taon sa dakong Imus tuwing ika-27 ng Mayo, ang unang araw ng karakol.

Rito sa pinaghabing kanluraning Kristiyano at katutubong Tagalog, ay naipagdidiwang ng mga taga-Kabite ang kanilang pang-araw-araw na buhay, kasama ng kanilang mga mahal sa buhay at sa pasasalamat sa bayang nagaaruga at nagpapakain sa kanila.


© 2007 Manggagaway E-magazine. Articles may be distributed freely on the condition that all accreditation is acknowledged, no part is altered and this notice is attached and the website: http://manggagaway-central.blogspot.com/ is included.